Kung social distancing din lang, pwede naman ilimita ang sakay ng traysikel sa isang pasahero, o dalawang magkakilala (hal. nanay at anak na magpapatingin sa ospital). At gaya ng isang nagmungkahi, pwede naman lagyan ng plastik na trapal sa pagitan ng tsuper at pasahero. Mas madali nga i-kontrol ang social distancing sa traysikel kesa sa aircon bus — kung saan magkakalayo nga kayo ng upuan pero pareho namang hangin ng aircon ang hinihinga ninyo.

Ang argumento ni Usec Malaya, bakit daw hindi gayahin ni Meyor Vico ng Pasig ang ibang syudad (hal. Paranaque) na nag-charter ng mga malaking bus firms para ihatid sa ospital ang mga health workers ayon sa designated na ruta. 

Ayos naman yan kung sa punto de bista ng mga mahabang ruta mula sa residential areas tungo sa mga ospital sa sentro. Pero paano kung malayo ang tirahan mo sa ruta ng emergency bus service? Paano kung di makalakad ang pasahero mo dahil magpapakonsulta nga sa ospital? Ang mga bus ba e makakapasok sa mga siksikang eskinita ng Maynila, Pasig o Mandaluyong? Doon ang papel ng traysikel (at dyipni na din) — bilang feeder o pangsuplemento sa mga limitasyon ng bus.

Ang maganda pa sa mga traysikel, pwede sila i-deputize ng mga LGU/barangay (at pwede ring i-equip ng PPE) para on-call sa anumang emergency na byahe mula sa mga komunidad maralita na walang pribadong sasakyan ang karamihan ng tao.

Karamihang traysikel (at tsuper nila) ay doon mismo sa mga komunidad nakaparada, at mas madaling magresponde kesa mga chartered bus/van na sa malayo pa manggagaling at hindi naman papayag na 1-2 lang ang pasahero. Mas madali din magkaayusan sa pagbayad sa serbisyo ng traysikel kesa pagbayad sa serbisyo ng malalaking kumpanya ng bus.

At, oo nga pala, sa ibang probinsya (at maski sa NCR din), kung ano ang argumento ko na pro-traysikel ay aplikable din sa mga dyipni, basta strictly regulated.

Napaka-palpak ng argumento ni Usec Malaya na hindi daw pwedeng payagan ng DILG si Meyor Vico na magpagalaw ng mga traysikel, dahil pag ginawa daw nila yun, magsusunuran na ang ibang meyor. E kung matino naman ang sistema ng emergency trike service, bakit nga hindi pwedeng gayahin ng ibang syudad/munisipalidad? Dahil lalabas na tanga at bobo ang mga taga-DILG?

Tutal nasa pagkumpara na din lang tayo ng desisyon ng isang mayor gaya ni Vico at ng mga palpak na argumento ng isang DILG official gaya ni Usec Malaya, ganito na lang. Si Vico, elected official. Sina Ano at Malaya, appointed lang. Sana nga, gumaya at sumuporta kay Vico ang iba pang meyor, sa NCR man o sa ibang probinsya ng Luzon.

Bagamat ako ay di rin gaanong tiwala sa bulok na sistema ng halalan sa Pilipinas, mas magtitiwala naman ako sa isang halal (at may-batayang popularidad) na opisyal gaya ni Vico kesa sa isang appointi ni Dudirty.

Huwag nang banggitin kung sino sa kanilang dalawa (Vico vs Malaya) ang mas magandang lalaki. Para sa akin, hindi yan isyu. Bagamat naintindihan ko ang kilig ng libu-libo nyang tagahanga.