Photo: CNN Philippines

Mariing kinukundena ng College Editors Guild of the Philippines ang pagkamatay ng isang estudyante mula sa Pagadian, Zamboanga del Sur matapos itong mag-training sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) habang ginagawa ang isang physical fitness routine nitong Sabado, Hunyo 22.

Kinilala ang biktima na si Roel Sedenio, 21 taon gulang at kumukuha ng kursong Information Technology sa Josefina H. Cerilles State College. Ayon sa ulat, si Sedenio ay nagkaroon ng cardiac dysrhythmia o sepsis at pulmonary congestion. Unang dinala si Sedenio sa Zamboanga del Sur Medical Center at sinabing dumanas lamang ito ng hyperventilation at kaagad ding dinischarge ng ospital.

Matapos itong magpahinga nang ilang saglit sa loob ng military ospital ay napansin ng kaniyang mga kaibigan na nagkaroon ito ng seizure. Dinala muli sa Zamboanga del Sur Medical Center si Sedenio, ngunit tuluyan na siyang binawian ng buhay.

Bagamat hindi ito ang unang insidente na may nasawi dahil sa ROTC ay mas lalo nitong pinapatunayan na sa mahabang panahon nito na nasa akademya, ang ROTC ay nagdudulot nang huwad na nasyunalismo at pinapanatili nito maging ang kultura ng karahasan.

“Sa darating na 18th Congress, asahan natin na sapilitang ipapatupad ang ROTC para sa SHS grades 11 at 12 habang isinasantabi ang mga nauna nang hindi magandang nangyari dahil sa ROTC. Wala itong ibang ituturo kundi pang-aabuso. Pinalalabnaw din nito ang kakayahan ng mga kabataan na maging kritikal na mag-isip dahil sa pagiging sunud-sunuran nito sa mga mas nakakataas,” sabi ni Daryl Angelo Baybado, pambansang pangulo ng CEGP.

Inuulit ng CEGP ang tindig nito na dapat nang ibasura ang ROTC. Isang malaking kabalintunaan ang sapilitang pagpasa ng ROTC upang magturo ng nasyunalismo at disiplina sa mga kabataan gayung kagyat na tinanggal ang asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo. 

Sa kabila nang napakaraming namatay dahil sa anti-mamamayan na mga programa’t polisiya ni Duterte, hindi maitatanggi na ang isa sa mga dahilan nito ay ang huwad na ROTC. Kaya naman tinatawagan ng CEGP at ang lahat ng mga mamamahayag pangkampus na ilantad ang ganitong mga klase ng karahasan at atin itong labanan sa pamamagitan ng ating sama-samang pagkilos.

NO TO MANDATORY ROTC!

CEGP
The oldest, broadest and only-existing alliance of tertiary student publication in the Asia-Pacific region. Est. 1931. CEGP is the oldest and broadest intercollegiate alliance of student publications in the Asia-Pacific. The national center for the advancement of campus press freedom.