Ilang buwan na ang nakalilipas mula nang magkaroon ng artipisyal na krisis sa tubig na pasan ngayon ng mga konsyumer at residente ng kalakhang Maynila. Sa kabila ng pagpapataw ng MWSS ng karampatang multa sa Manila Water ay hindi pa rin naibabalik sa normal ang serbisyo. At hindi pa man maayos na naibabalik ng Manila Water ang serbisyo nito, ang mga eryang sineserbisyuhan naman ng Maynilad ang nawawalan ng tubig. 

“Napakarami nang idinahilan ng mga water concessionaire companies hinggil sa krisis sa tubig, mula sa algal bloom hanggang sa pagbaba ng water level. Pero nakakapagtaka dahil taun-taon na nila itong ginagamit na dahilan. Nasaan ang preventive measures kung nakikita na nilang magkakaroon ng krisis? Makatarungan ba na lagi na lamang nilang hihingin na magtiis ang mga maliliit na konsyumer upang mapagbigyan ang mga malalaking kompanya?” pahayag ni Gert Ranjo-Libang, Acting Vice Chairperson ng GABRIELA.

“Higit pa sa pagpataw ng mga multa, ang panawagan ngayon ng GABRIELA ay magkaroon ng accountability ang MWSS, Manila Water at Maynilad sa perwisyong idinudulot nila sa mga konsyumer. Makikita nating palpak ang kanilang serbisyo at nakatuon lamang sila sa pagpapalaki ng kanilang tubo. Mabilis pa sa alas singko sila maningil at magtaas ng singil pero napakakupad at walang kalidad naman ang serbisyo,” ani Libang.

Pinapanawagan ng GABRIELA ang muling pagbabalik ng kontrol ng gobyerno sa serbisyo sa tubig at ang pagpapanagot sa krisis at perwisyong nararanasan ngayon ng mga konsyumer.