Nagluluksa ang kilusang guro sa pagpanaw ng mahal nating kasamang si April Valentin ‘Eb’ Montes kaninang madaling araw, Setyembre 2, 2020 dulot ng massive stroke kahapon. Si kasamang Eb ay nasa proseso ng pagpapagaling mula sa kanyang operasyon noong Marso.

Naka-ukit sa kontemporaryong kasaysayan ng kilusang guro sa bansa ang mahalagang papel ni Eb sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon.

Mula sa pagiging aktibistang kabataang-estudyante, noong 1996 ay naging organisador siya ng ACT sa Maynila at tumulong sa muling pagpapalakas ng kilusang guro na noon ay kababawi pa lamang mula sa mga kalituhan at kamalian ng disoryentasyon.

Ginugol ni Eb ang susunod na 24 na taon ng kanyang buhay sa pag-aambag sa pagpapalakas ng kilusang guro at paglilingkod sa sambayanan.
Mahahalaga ang kanyang kontribusyon sa pagbubuo ng mga unyon ng mga guro sa public school sa NCR at buong bansa. Malaki ang kanyang ambag sa pagbubuo at pagpapanalo sa mga halalan ng ACT Teachers Partylist, at paggampan nito ng mga gawain sa loob ng Konggreso. Nanguna siya sa pagpapasigla at pagpapalakas ng pag-oorganisa ng mga guro at kawani sa pribadong paaralan nitong nakaraan.

Bukod sa kanyang husay, sigasig at dedikasyon, inaalala si Eb bilang magaan, mapagkumbaba, matulungin at maalalahanin na kasama. Kapuri-puri rin ang kanyang pagiging mapagmahal na asawa at ama.

Ang kanyang buhay ay inspirasyon sa bawat isa na kanyang nakasama. Panatilihin nating buhay ang halimbawa ni Eb sa patuloy na pagsusulong ng interes ng guro, bata at bayan!

ACT
The Alliance of Concerned Teachers-Philippines is a progressive, militant and nationalist organization of teachers, academic non-teaching personnel and non-academic non-teaching personnel established in June 26, 1982. It is the largest non-traditional teachers’ organization in the country which works for the economic and political well-being of teachers and all other education workers as well as for genuine social transformation.