Kinagagalak natin ang pagsisikap ng bagong punong ehekutibo ng lungsod na si Mayor Isko Moreno na ibalik ang dangal at ganda ng punong lungsod. Ang kanyang mabilis na pag aksyon ay nagpapakita ng sinseridad at determinasyon na gawin ang mga kagyat na hakbang para sa ikabubuti ng syudad tulad ng kalinisan at pagsasaayos ng daloy-trapiko. Subalit hindi dapat masaalang-alang ang lehitimong karapatan ng mga manininda na makapaghanapbuhay sa lungsod.

Ang mga vendors, mga maliliit na manininda sa Divisoria, Quiapo, kahabaan ng Taft ave, paligid ng mga pampublikong palengke, at iba pang sentro ng kalakalan sa Maynila ay mga tao na naghahanapbuhay ng marangal para mabuhay at may ipakain sa kanilang pamilya.

Sila ay produkto ng malawakang pangangamkam ng lupa sa kanilang mga probinsya na nagtaboy sa kanila patungong lungsod para maghanap ng mas maiging buhay. Produkto din sila ng kawalan ng tunay na industriyalisasyon at kawalan ng trabaho sa lungsod kaya naman natulak na humanap ng kabuhayan para makakain ng tatlong beses sa isang araw. Marami sa kanila ay pamilyang walang regular na hanapbuhay kaya humantong sa pagtitinda. Sila ay biktima ng panlipunang inhustisya at malaganap na kahirapan. Malinaw na ng pagtitinda sa ano mang lugar ay hindi krimen at iligal.

Hindi bago ang Clearing Operations na ginawa ni Mayor Isko. Sa katunayan, kahit tanungin ang mga manininda, lahat ng mga nagdaang Mayor sa Maynila ay ginagawa ito sa unang mga araw sa kanilang pag upo. Pinag-iinitan ang mga vendors at iba pang mala-proletaryado sa syudad tulad ng drayber ng mga padyak, toda at mga katulad nila na dapat sana ay kinakalinga ng gubyerno.

DANNY PATA / northboundasia.com

Sa panahon ni Lim, itinatapon ang mga paninda at pinoposasan ang mga lumalaban na vendors. Sa panahon naman ni Atienza, pinanukala ang zero vending policy na naglayon na walisin ang lahat ng sidewalk vendors at ambulant sa paligid ng mga palengke, parke at pati ang recto republic (gawaan ng pekeng dokumento at bentahan ng mga libro). Dahil sa paglaban ng manininda, nagpanukala ng organized vending policy si Atienza. Ito ang naging ligal na paraan ng syudad para kumuha ng pakinabang sa pamamagitan ng mga kotong at lagay sa manininda.

Sa panahon ni Estrada, binira rin ang mga vendors at inilipat ang singilan at kita papunta sa mga bagong upo sa City hall sa pangunguna ni Dennis Alcoreza. Kaya kung titingnan sa kasaysayan, ang mga mayor na nagdaan ay nagpakita ng bangis laban sa mga marangal na naghahanapbuhay na vendors.

Nasaksihan lahat ito ni Mayor Isko mula 1998 at halos lahat ng Mayor na nabanggit ay naging kaalyado niya ngunit walang opisyal ng pulis o opisyal ng gubyerno sa Maynila ang naparusahan dahil sa kotong at marahas na pagsira sa mga kabuhayan ng mga manininda. Halimbawa ang dalawang presinto sa divisoria Presinto 2 at 11 ay sinibak lang sa puwesto pero hindi napanagot ng lokal na gubyerno.

Upang ipakita ni Mayor Isko ang kaibahan niya sa mga nagdaang administrasyon, una ay dapat kilalanin niya na ang mga manininda ay mga taong biktima ng kahirapan, kawalan ng hanapbuhay sa syudad at marangal na naghahanapbuhay. Sila ay hindi kriminal at iligal. 

Pangalawa, panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan at mga kapulisan na abusado at sangkot sa pangongotong na sa katunayan ay nariyan pa rin sa Cityhall.
Pangatlo, bago gawin ang paglilinis at pagsasaayos ng daloy-trapiko ay magkaroon ng alternatibo kung saan sila maaring ilagay o makapagtindang muli na mayroong mamimili. Dahil kung mananatili lamang na hahayaan ang libo-libong mga manininda na walang hanapbuhay at sa mga oras na ito ay kumakalam ang mga sikmura ay hindi nito matutugunan ang solusyon sa laganap na karalitaan sa Maynila bagkus ay dadami pa ang mahihirap. Nakikinabang din ng husto ang mga malalaking department stores at establishment sa pagkasira ng kabuhayan ng mga vendors dahil masosolo nila ang kita sa mga mamimili.

Ang mga bangketa na sinasabing pwedeng makapagtinda ay kulang at hindi sapat sa dami ng mga pinaalis sa mga pwesto at dapat magkaroon ng kagyat na solusyon ang pamahalaang lokal sa usapin ng lugar na pagpupwestuhan ng mga kapatid nating manininda.

Kaya naman kami ay nanawagan kay Mayor Isko Moreno na pakinggan ang Hamon ng mga Manininda na kilalanin at protektahan ang kabuhayan ng mga maralita at kagyat na ipag-utos na ihinto ang mga clearing operations sa buong Maynila at pagusapan ito sa pamamagitan ng dayalogo at malayang talakayan sa pagitan niya at ng mga manininda.

Kami rin ay nananawagan sa mamamayan ng Maynila na suportahan ang laban ng mga vendors kontra clearing operations dahil ito ay extension ng pampublikong serbisyo na nagbibigay ng abot kayang presyo sa mga kapwa nila mahihirap.

Nananawagan din kami sa lahat ng mga manininda na tayo ay magkaisa at sama-samang kumilos para ipagtanggol ang ating karapatang makapaghanapbuhay ng marangal.

Featured photo by EPA-EFE/FRANCIS R. MALASIG

KADAMAY
Makabayan at militanteng alyansa ng maralitang lungsod sa Pilipinas. Ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY ay isang pambansang alyansa ng mga samahan, asosasyon at iba pang tipo ng organsisasyon ng maralitang lungsod. Itinatag ito noong Nobyembre 7, 1998. Tumitindig ang KADAMAY bilang militanteng sentro ng maralitang lungsod at nangunguna sa mga pakikibaka sektor para sa trabaho, sahod, panirahan, kabuhayan, karapatan at serbisyong panlipunan. Kilala ang KADAMAY bilang tagapagtanggol ng mga maralita sa buong bansa. Maraming tagumpay na nakakamit ang KADAMAY sa pamamagitan ng pagbubuo ng kanyang solidong lakas at latag sa hanay ng mga maralita't mahihirap.