Photo: Ecumenical Voice

Mariing kinukundena ng Karapatan ang nangyaring pambobomba at walang habas na pamamaril ng mga elemento ng Philippine Air Force sa Brgy. Lidong, Caramoan, Camarines Sur noong Agosto 13, 2019.

Sa isinagawang fact-finding mission ng Karapatan-Bikol, mismong mga residente ng Brgy. Lidong ang nagpatotoo na dalawang helicopter ng Philippine Air Force ang nagpakawala ng mga putok na sinundan ng paghulog ng mga bomba. Idinahilan ni Major Ricky Aguilar, hepe ng Division of Public Affairs Office (DPAO) ng Philippine Army – 9th Infantry Division, na ito ay dahil umano sa engkwentro ng 83rd IBPA at ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA). Subalit ito ay pinabulaanan ng mga residente. Walang nangyaring engkwentro sa lugar at bagkus ay walang habas na pamamaril at pambobomba sa komunidad ang isinagawa ng dalawang helicopters ng Philippine Air Force. Bunsod nito, lumikas ang may nasa sampung (10) pamilya mula sa Sitio Gogon ng nasabing barangay, 200 katao mula sa kalapit-lugar na Sitio Camansi, at ilang pamilya mula sa Barangay Mampirao. Nasuspinde rin ang klase sa mga nasabing lugar, at nagdulot ang insidente ng matinding takot at pangamba sa mga residente lalung lalo na sa mga bata.

“Batay sa mga salaysay ng mga mamamayan ng Lidong at mga kalapit-lugar, malinaw na ginagawang palusot ng AFP ang kanilang programang “kontra-terorismo” upang pagtakpan ang kanilang tahasang pag-atake sa mga mamamayan. Kagaya ng nangyayari sa Negros, ang walang batayang pagpapalusot na ito’y isa sa maraming hakbang ng administrasyoing Duterte upang bigyang katwiran ang mapaminsalang Memorandum Order (M.O.) 32 at ang kalaunang pagpipilit nito ng batas militar. Makikita ngayon ang bangis ng estado, kung saan hindi nalang militarisasyon ng mga komunidad ang isinasagawa, kundi pati pambobomba,” ani Roneo Clamor, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Kung matatandaan, inilabas ng Malakanyang noong nakaraang taon ang M.O. 32 na nag-uutos ng pagdaragdag ng mga tropa ng kapulisan at sundalo sa mga lalawigang diumano’y laganap ang “lawless violence”.  Kabilang dito ang Samar, Negros Oriental, Negros Occidental at buong Kabikolan.

“Di ba’t isang malaking kabalintunaan na kung kailan nagdagdag ng pwersa ang AFP at PNP sa Bikol at iba pang lalawigan, saka naman dumarami ang paglabag sa karapatang pantao sa mga lugar na ito? Sa puntong ito, mas lumalabas na naka-angkla sa isang malaking kasinungalingan ng kasalukuyang rehimen ang MO 32 at ginagamit ito upang pagtakpan ang pagiging pasista at anti-mamamayan ni Duterte at ng mga alipores niya,” dagdag ni Clamor. 

“Hindi sikreto na ang gobyerno ay may kakayanan, kagamitan, makinarya at reputasyon bilang mga mersenaryong nagkukubli sa mga komunidad na laganap ang karahasan. Nakakagalit na sa panahong ito, sistematikong pinapamayani at pina-iigting ng estado ang karahasan at pasismo sa bansa. Nananawagan kami sa lahat ng sektor na lalo ring paigtingin ang pagmamatyag sa paglabag sa karapatang pantao at patibayin ang pagkakaisa para biguin ang pasismo ng rehimeng ito,” pagwawakas ni Clamor.

KARAPATAN
KARAPATAN is an alliance of human rights organizations and programs, human rights desks and committees of people’s organizations, and individual advocates committed to the defense and promotion of people’s rights and civil liberties. It monitors and documents cases of human rights violations, assists and defends victims and conducts education, training and campaign. Karapatan Public Information Desk: +639189790580 | publicinfo@karapatan.org