Nitong Pebrero 8, lumahok ang Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) sa #SagipKanayunan, isang serye ng relief operations sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) para sa mga komunidad ng magsasakang sinalanta ng sakuna, sa Batangas. Nag-abot ng relief packs ng pagkain, damit, at iba pang gamit ang SAKA sa daan-daang pamilyang apektado ng pagputok at pagbuga ng abo ng Bulkang Taal. Kasama ang Sining na Naglilingkod sa Bayan (Sinagbayan) at iba pang organisasyong magsasaka—kabilang ang Anakpawis Partylist na naglulunsad ng sarili nitong #TulongAnakpawis relief operations—sa buong araw na pagkilos.


Sa mga binisitang barangay, nasaksihan ng SAKA ang hirap ng buhay-magsasakang pinagkakaitan ng tunay na reporma sa lupa. Ang kawalang-pakialam ng gobyerno sa industriya ng agrikultura ay nagdudulot hindi lamang ng pagkaatrasado nito, kundi pati ng matinding gutom. Ang pangangamkam ng lupa ay nagluwal ng mga manggagawang bukid na matapos pagkaitan ng lupa ay pinagkakaitan na rin ng benepisyo. Sa salimbayan ng piyudalismong nang-aagaw ng lupa at imperyalismong lumalamon ng asukal pang-export at nangko-convert ng lupang sakahan, lilima na lamang ang natitirang magsasaka; ang iba ay lubusan nang sumabak sa pagiging manggagawang maghahati-hati pa sa kakarampot na pakyawang sahod.


Kung aabutan ng sakuna tulad nitong pag-alburoto ng bulkan, walang matatag na industriyang masasandigan ang mga magsasaka’t manggagawa. Parehong buhay at kabuhayan, nailalagay sa bingit. Kaya naman higit pa sa relief packs, ang bitbit ng mga boluntaryo ay pakikiisa sa panawagang #FreeLandDistribution at paglilinang sa agrikultura ng bansa.


Paglahok sa produksyon, pagtuklas sa pagsasamantala


Kinabukasan, matapos makitulog sa Sitio Aplaya, Brgy. Quisumbing, maulang umaga ng pagtatanim at paggagapak ang sumalubong sa mga boluntaryo. Para kumpletuhin ang kanilang pakikiisa sa mga magsasaka’t manggagawang bukid, lumahok ang lahat sa agrikultural na produksyon. Itinuro sa kanila ang pagtatanim ng balinghoy at paggagapak ng tubo, samantalang tumulong ang iba sa pagtatanggal ng mga damo.


Sa kabila ng kulimlim, naging magaan at maaliwalas ang pagpapalitan ng mga kuwento. Naglahad ng kanilang danas ang mga lokal sa mga dayo. Sa gitna ng pagkilos, natuklasan ng SAKA ang lalim ng kanilang paninindigan para sa karapatan sa lupa at nakabubuhay na sahod.
Ibinahagi ni Ka Norma, chairperson ng asosasyon ng mga manggagawang bukid, kung gaano kaliit ang kita ng mga sakada: 300 piso kada tonelada ng tubong tinabas. At dahil sistemang pakyawan ang umiiral, ang 300 ay paghahati-hatian pa ng humigit-kumulang 10 manggagawa, at humigit-kumulang 10 tonelada rin lamang ang nagagapak sa isang araw.


Hene-henerasyon na rin ang itinakbo ng kanilang pakikibaka. “Dito na ako isinilang,” kuwento ng mga matatanda rito. Apat na dekada nang lumalaban si Ka Norma. Ayon kay Ka Gimo, isa pang lider-magsasaka, nasaksihan pa nila ang pagbabago ng katangian ng lupa dahil sa land-use conversion. Sa kaniyang salaysay, ibinenta ng dating panginoong maylupa sa isang negosyanteng Tsinong nagngangalang “Tong” ang ipinangakong mga ektaryang dapat sana’y ipamamahagi sa mga magsasaka. Hindi na sila gaanong makahuli ng isda dahil may mga barko na pinapatakbo ng mga dayuhang korporasyon. Tanaw rin ang isang powerplant na nagbibigay elektrisidad sa maraming pabrika tulad ng mga tunawan ng bakal, daungan, at depot ng langis.

Di makapangisda ang mga taga-Calaca dahil sa mga barko ng dayuhang korporasyon


Goons ng mga korporasyon ang militar

Noong Nobyembre 20, 2017, iligal na inaresto ng 730th Philippine Air Force ang siyam na aktibistang naninindigan laban sa coal mining sa katabing bundok. Lima rito ay mula mismo sa Brgy. Quisumbing at nananatiling bilanggong pulitikal sa kasalukuyan sina Leonardo delos Reyes, 43 yrs. old; Carlos Sanoza, 62; Josefino Castillano, 50; Peping Sacdalan, 67; at Robert Hernandez, na miyembro ng samahan ng mga magbubukid.


Hindi pa napag-aaralan nang lubos ang epekto ng mga dambuhalang proyekto sa kalusugan ng komunidad at kalikasan ng lugar subalit pansin na nangingitim at nagpuputik ang kalidad ng buhangin sa tabing-dagat. Usap-usapan na sa kabahayan na sa tulak ng proyektong Build Build Build ay nakadisenyong itayo ang isang coliseum.


Dahil tiraha’t sakahan nila ang nakataya, hindi pagagapi sa militarisasyong hatid ng land-use conversion ang mga tagabaryo. Kuwento ni Ka Norma, nagkampo’t nanindak ang mga militar sa kanilang pamayanan noong Hunyo 2019, pero matagumpay nilang naitaboy ang mga ito sa humigit-kumulang anim na buwan ng kolektibong pagkilos. Pina-blotter pa nila ang mga ahente ng pasismo para tuluyang mapaalis.

Nakisaka ang SAKA volunteers sa Calaca, Batangas


Makisaka, makibaka

Naghahanda ang komunidad na lumahok sa kilusang bungkalan na inilulunsad ng iba’t ibang asosasyon ng magsasaka sa buong bansa. Ang bungkalan ay isang anyo ng paggigiit sa karapatan sa lupa at buhay sa pamamagitan ng pagtatanim ng makakain. Saad ni Ka Gimo, sa pamamagitan ng okupasyon sa lupang ipinaglalaban, mapapanatili nito ang pagiging produktibo ng lupa upang may supply ng pagkain ang komunidad. Kolektibo rin itong pahayag na hindi sila pumapayag na kamkamin ito ng mga panginoong maylupa’t negosyante.


“Kung sa katangian ng lupa, lahat ay puwedeng maitanim dito. Kahit ubas,” ani Ka Gimo. Liban sa balinghoy at tubo, ang nakatanim sa sakahan ay palay, saging, okra, sitaw, sili, kamatis, mais, atbp. Ang mga produktong naaani nila ay nakaaagapay kahit papaano sa hirap ng buhay. Kung magiging sustenable lamang ang programa ng gobyerno para sa mga magsasaka sa halip na gawing priyoridad ang dayuhang kapital at anti-mamamayang digma ay magiging posible ang isang bayang walang nagugutom at naghihirap.

Sistemang pakyawan pa rin ang umiiral sa tubuhan ng Calaca kung saan 300 piso kada tonelada ng tubo ang bayad sa mga manggagawa


Hindi kalikasan ang kaaway

Ang mga magsasaka at mangingisda ng Sitio Aplaya ay nanganganib mapalayas at masiraan ng tahanan. Matapos makaligtas sa kalamidad mula sa Bulkang Taal, kinakaharap nila ang kalamidad na likhang-tao: ang pangangamkam ng lupa. Ang abong kumukumot sa mga pananim ay hindi lamang mula sa bulkan, kundi mula sa piyudalismo.


Kasama ang iba’t ibang organisasyong bahagi ng pambansa-demokratikong kilusan, sumusuporta ang SAKA sa laban ng uring magsasaka para sa tunay na repormang agraryo. Layunin nitong buwagin ang mga asyenda’t baklasin ang mga plantasyon para ang kontrol sa lupa’y mapasakamay sa mga nagbubungkal nito. Hangga’t hindi naipapatupad ang libreng pamamahagi ng lupa, mananatiling atrasado ang industriya ng agrikultura, at magpapatuloy ang paglaganap ng gutom sa mayorya ng populasyon.


Maipapatupad lamang ito ng isang masiglang kilusang magbubukid, at walang dudang kasama sa nagpapasigla rito ang suporta ng malawak na masa at mga alyadong sektor. Kaya hinihikayat ng SAKA ang mga artista na makiisa sa uring magsasaka at lumubog sa kanilang pakikibaka, at ang iba pang manggagawa sa larangan ng sining, kultura, at kaalaman na magsilbi sa bayan. Ang bilin nga ni Ka Norma, “Patuloy nating palakasin ang ating hanay para sama-sama nating makamit ang tagumpay.”

Artist-volunteers ng SAKA, lumubog sa karanasan ng mga magsasaka’t manggagawang bukid
SAKA
SAKA - Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (Artist Alliance for Genuine Land Reform and Rural Development) is an anti-feudal alliance of art and cultural workers that support and advance the peasant agenda of genuine agrarian reform, rural development, and food security.